2026 / Jan

G.R. Blg. 210480 MEL V. VELARDE AT ANGELINE L. MACASAET, MGA NAGPETISYON, LABAN SA KAGALANG-GALANG NA HUKUMAN NG PAG-AAPELA SA BUWIS, IKATLONG DIBISYON, KAWANIHAN NG RENTAS INTERNAS, AT KAGAWARAN NG KATARUNGAN, MGA RESPONDENTE. D E S I S Y O N January 29, 2026

IKATLONG DIBISYON

[ G.R. Blg. 210480, January 29, 2026 ]

MEL V. VELARDE AT ANGELINE L. MACASAET, MGA NAGPETISYON, LABAN SA KAGALANG-GALANG NA HUKUMAN NG PAG-AAPELA SA BUWIS, IKATLONG DIBISYON, KAWANIHAN NG RENTAS INTERNAS, AT KAGAWARAN NG KATARUNGAN, MGA RESPONDENTE.

D E S I S Y O N

SINGH, J.:

Ang Petisyong ito para saCertiorari[1]sa ilalim ng Tuntunin 65 ngRules of Courtay inihain nina Mel Velarde at Angeline Macasaet (Velarde at mga kasama), para kwestiyunin ang diumano'y pagsantabi, nang di nakasulat na kautusan ng Hukuman ng Pag-aapela sa Buwis (CTA), ng kanilangMotion for Judicial Determination of Probable Cause with Motion to Defer Arraignment[2](Motion for Judicial Determination of Probable Cause), na may petsang Agosto 6, 2013. Iginigiit nina Velarde at mga kasama na ang nasabing pagsantabi ay kinakitaan ng malubhang pag-aabuso sa karapatang magpasya na katumbas ng kawalan o labis na hurisdiksyon.[3]

Ang mga Pangyayari

Noong Marso 21, 2013, naghain ang Kawanihan ng Rentas Internas (BIR) ng isang Impormasyon[4]na may petsang Mayo 2, 2011 sa CTA laban kina Velarde at mga kasama para sa kasongtax evasiono pag-iwas sa pagbabayad ng buwis. Ang bahagi ng Impormasyon na naglalahad ng paratang ay nagsasaad:

That on or about 13 August 2009, in the City of Makati, Metro Manila, within the jurisdiction of this Honorable Court, accused Mel V. Velarde, having bought from Maria Josefina D. Knox a parcel of land containing an area of 999 square meters located at Nasugbu, Batangas, covered by Transfer Certificate of Title No. T-87623, for the sum of US$ [1.2 million] equivalent to [PHP 60 million] at the time, conspiring and confederating with accused Atty. Angeline L. Macasaet, willfully and unlawfully [made] it appear in a deed of absolute sale of even date that the purchase price was only [PHP 16 million] and pay capital gains tax of [PHP] 960,000 (6% x [PHP 16 million]) instead of [PHP 3.6 million] (6% of [PHP 60 million]) and documentary stamp tax of [PHP] 240,000.00 (1.5% x [PHP 16 million]) instead of [PHP] 900,000.00 (1.5% of [PHP 60 milllion]), thereby committing tax evasion and incurring deficiency capital gains tax in the amount of [PHP] 2,640,000.00 ([PHP 3.6 million] - [PHP] 960,000) and deficiency documentary stamp tax in the amount of [PHP] 660,000.00 ([PHP] 900,000.00-[PHP] 240,000), or deficiency taxes in the total amount of [PHP 3.3 million] ([PHP] 2,640,000.00 + [PHP] 660,000.00), exclusive of interest and penalty charges, to the damage and prejudice of the Government.

CONTRARY TO LAW.[5]

(Na noong o bandang ika-13 ng Agosto 2009, sa Lungsod ng Makati, Kalakhang Maynila, sakop ng hurisdiksyon ng Kagalang-galang na Hukuman na ito, ang akusadong si Mel V. Velarde, matapos bumili mula kay Maria Josefina D. Knox ng isang bahagi ng lupa na may sukat na 999 metro kuwadrado na matatagpuan sa Nasugbu, Batangas, na nakapaloob saTransfer Certificate of TitleBlg. T-87623, kapalit ng halagang US$ [1.2 milyon] o katumbas ng PHP [60 milyon] noon, ay nakipagsabwatan umano sa akusadong si Atty. Angeline L. Macasaet upang sadya at labag sa batas na palabasin sa isangDeed of Absolute Salena kaparehong petsa na ang halaga ng pagbili ay PHP [16 milyon] lamang, at nagbayad ngcapital gains taxna PHP 960,000.00 (6% ng PHP [16 milyon]) sa halip na PHP [3.6 milyon] (6% ng PHP [60 milyon]), atdocumentary stamp taxna PHP 240,000.00 (1.5% ng PHP [16 milyon]) sa halip na PHP 900,000.00 (1.5% ng PHP [60 milyon]). Sa gayon ay nagkasala sa pag-iwas sa pagbabayad ng buwis at nagkaroon ng kakulangan sa pagbabayad ngcapital gains taxna PHP 2,640,000.00 (PHP [3.6 milyon] – PHP 960,000.00) at kakulangan sadocumentary stamp taxna PHP 660,000.00 (PHP 900,000.00 – PHP 240,000.00), o mga kakulangang buwis na may kabuuang halagang PHP [3.3 milyon] (PHP 2,640,000.00 + PHP 660,000.00), bukod pa sa mga interes at mga karampatang multa, na nagdulot ng pinsala at pagkalugi sa Pamahalaan.

LABAG SA BATAS.)[6]

Ang sakdal ay nag-ugat sa umano'y kakulangan sa pagbabayad ngcapital gains taxna nararapat matanggap mula kay Maria Josefina D. Knox (Josefina), gayundin ngdocumentary stamp taxna kaugnay ng pagbili ng isang ari-arian sa Punta Fuego ng Verdant Treasures, Inc., isang korporasyon kung saan si Mel Velarde ay nanungkulan bilang Pangulo at si Angeline Macasaet bilang Kalihim ng Korporasyon. Isinasaad sa Impormasyon na nagsabwatan sina Velarde at mga kasama upang makaiwas sa tamang pagbabayad ng buwis sa pamamagitan ng pagpapakita ng diumano'y pinekengDeed of Absolute Sale[7]para sa nasabing ari-arian. Iginiit ng prosekusyon na ang aktuwal na halaga ng bentahan ay US$ 1.2 milyon at hindi [PHP]16 milyon.[8]

Itinakda ang pagbasa ng sakdal oarraignmentnoong Agosto 7, 2013. Sa parehong araw, naghain sina Velarde at mga kasama ngMotion for Judicial Determination of Probable Cause, na tinalakay ng hukuman. Natukoy sa pagsusuri sa transkripsyon ng mga tala ng istenograpiko ang mga sumusunod: (1) isinampa ang Impormasyon noong Marso 21, 2013; (2) inilabas na ang mga utos ng pagpapadakip owarrant of arrestlaban kina Velarde at mga kasama; (3) naghain ngEntry of Appearanceang mga abogado nina Velarde at mga kasama noong Hulyo 11, 2013; (4) isinumite angMotion for Judicial Determination of Probable Causesa CTA noong Agosto 7, 2013; at (5) ang prosekusyon ay hindi nabigyan ng kopya ng mosyon sapagkat ito ay ipinadala sa Tanggapan ng Taga-usig Panlahat oOffice of the Solicitor General, sa halip na kay Prosekyutor Edwin S. Dayog ng Kagawaran ng Katarungan. Dahil sa hindi wastong paghahain, itinuring ng CTA na hindi naihain ang mosyon. Dahil dito, at sa pagpapahayag ng pagsang-ayon nina Velarde at mga kasama, nagpatuloy ang pagbasa sa sakdal sa parehong araw, kung saan sila ay naghain ng samong "not guilty" o "hindi nagkasala."[9]

Sa sumunod na pagdinig noong Oktubre 23, 2013, muling iginiit ng mga abogado nina Velarde at mga kasama ang nakabinbin nilangMotion for Judicial Determination of Probable Cause. Gayunpaman, ipinahayag ng CTA na ang mosyon ay tinanggihan na kaya nagkaroon ng pagbasa ng sakdal o arraignment.[10]Dahil dito, inakyat nina Velarde at mga kasama sa pamamagitan ng Petisyon para saCertiorarisa Kataas-taasang Hukuman ang usapin. Iginiit nila na ang umano'y hindi pag-apruba ng CTA sa kanilang mosyon, na inihayag sa hukuman noong Agosto 7, 2013 at muling pinagtibay noong Oktubre 23, 2013, ay hindi kailanman naisulat sa isang pormal na kautusan sa kabila ng mga kahilingan ng kanilang abogado. Kaya naman, iginiit nila na ang CTA ay kumilos nang may malubhang pag-abuso sa pagpapasya na humantong sa kawalan o labis na hurisdiksiyon.[11]Dagdag pa rito, pinaratangan nila ang CTA ng hayagang pagkiling at di pantay na trato sa pagdinig ng kaso. Kaya naman, hinihiling nina Velarde at mga kasama ang pagpapawalang-bisa sa umano'y hindi pag-apruba ng CTA sa kanilang mosyon, at ang paglabas ng isang resolusyon para isantabi ang kasong kriminal.[12]

Samantala, habang nakabinbin ang Petisyon para saCertiorarisa Kataas-taasang Hukuman, ipinagpatuloy ng CTA ang paglilitis at ang pagtanggap ng ebidensiya ng prosekusyon. Matapos ipresenta ng prosekusyon ang kanilang kaso, naghain sina Velarde at mga kasama ngMotion for Leave with Attached Demurrer to Evidencenoong Pebrero 5, 2016. Sa isang Kautusan na may petsang Abril 26, 2016, hindi inaprubahan ng CTA ang demurrer at idineklara nitong sapat ang ebidensiya ng prosekusyon upang panindigan ang mga paratang laban kina Velarde at mga kasama. Naghain naman sila ngMotion for Reconsiderationnoong Mayo 10, 2016, kung saan iginiit nila na: (1) kinakailangan sa isangdemurrerang aktuwal na pagsusuri at pagtitimbang sa katotohanan o kamalian ng ebidensiya ng prosekusyon; (2) nabigo ang prosekusyon na patunayan ang mga mahahalagang elemento ng pag-iwas sa pagbabayad ng buwis; at (3) dahil ang Verdant ay hindi itinakdang tagabayad ng buwis ostatutory taxpayer, hindi ito maaaring magkaroon ng pananagutan sa pag-iwas sa pagbabayad ng buwis, at dahil dito, sina Velarde at mga kasama ay hindi rin maaaring papanagutin sa sinasabing krimen.[13]

Sa isang Resolusyon[14]na may petsang Disyembre 21, 2016, pinaboran ng CTA angMotion for Reconsiderationat isinantabi ang kasong pag-iwas sa pagbabayad ng buwis. Humiling ang prosekusyon na muling isaalang-alang ang kanilang Resolusyon sa pamamagitan ng paghain ng isang mosyon noong Enero 6, 2017, ngunit tinanggihan ito ng CTA sa isang Resolusyon noong Agosto 9, 2017. Kalaunan, nagpalabas na ang CTA ng Resolusyon noong Oktubre 5, 2017 na nagdedeklarang ang Resolusyon nito noong Agosto 9, 2017 ay pinal at maipatutupad na, at kasunod nito ay inilabas ang isangEntry of Judgment. Bunga nito, ang reklamong kriminal laban kina Velarde at mga kasama, ay tuluyang isinantabi.[15]

Sa kabila ng pagsantabi sa kasong kriminal, iginigiit nina Velarde at mga kasama na nararapat pa ring lutasin ng Hukumang ito ang kasalukuyang Petisyon para saCertioraribatay sa merito. Iginiit nila na ito ay isang kaso ngprimae impressionis, na nagbibigay ng pagkakataon sa Kataas-taasang Hukuman na linawin ang mga konstitusyonal na karapatan ng mga inaakusahan sa mga kasong kriminal. Partikular nilang binibigyang-diin ang kanilang pangunahing karapatan na hindi managot sa isang kasong kriminal nang hindi dumadaan sa tamang proseso ng batas odue process, gayundin ang kanilang karapatan sa isang mabilis, walang kinikilingan, at pampublikong paglilitis.[16]

Ang Suliranin

Ang pinal na pagsasantabi ba sa kasong pag-iwas sa pagbabayad ng buwis ay dahilan upang mawalan ng saysay ang Petisyon para saCertiorarina kumukwestiyon sa umano'y hindi pag-apruba ng CTA saMotion for Judicial Determination of Probable Causenina Velarde at mga kasama? Kung oo, ang nasabing pagsantabi ng CTA ay maituturing bang isang malubhang pag-abuso sa pagpapasya na katumbas ng kawalan o labis na hurisdiksiyon? Kung gayon, ito ba'y isang batayan para sa hindi pagsunod sa alituntunin ngmootness?

Ang Pasya ng Hukuman

Matapos ang masusi at maingat na pagsusuri ng mga tala, pinagtitibay ng Hukuman ang pagpawalang-saysay sa Petisyon para saCertioraridahil sa pagigingmooto walang saysay at akademiko nito, at nakita ring wala sa mga kinikilalang eksepsiyon sa alituntunin ngmootnessang maaring gamitin sa kasalukuyang kaso.

Salig sa paggamit ng kapangyarihang hudisyal ojudicial powerna ang mga hukuman ay magpapasya lamang sa mga aktuwal na kaso o kontrobersiya.[17]Ang prinsipyong ito ay nag-ugat sa Seksiyon 1, Artikulo VIII ng Saligang Batas ng 1987 na nagsasaad:

Seksiyon 1. Ang kapangyarihang hudisyal ay ipinagkakaloob sa isang Kataas-taasang Hukuman at sa iba pang mga mababang hukuman na maaaring itatag ng batas.

Kabilang sa kapangyarihang hudisyal angtungkulin ng mga hukuman ng katarungan na lutasin ang mga aktuwal na kontrobersiyang may kinalaman sa mga karapatang maaaring igiit at ipatupad sa ilalim ng batas, at tukuyin kung nagkaroon ng malubhang pag-abuso sa kapangyarihan na katwnbas ng kawalan o labis na hurisdiksiyon sa panig ng alinmang sangay o kasangkapan ng Pamahalaan. (Diin idinagdag)

SaKilusang Mayo Uno v. Aquino III,[18]ipinaliwanag ng Hukuman ang kahulugan ng aktuwal na kaso o kontrobersiya:

There is an actual case or controversy if there is a "conflict of legal right, an opposite legal claims susceptible of judicial resolution." A petitioner bringing a case before this Court must establish that there is a legally demandable and enforceable right under the Constitution. There must be a real and substantial controversy, with definite and concrete issues involving the legal relations of the parties, and admitting of specific relief that courts can grant.[19](Citations omitted)

(May aktuwal na kaso o kontrobersiya kung mayroong "tunggalian ng legal na karapatan, o magkasalungat na legal na pag-aangkin na maaring lutasin ng hukuman." Kailangang maipakita ng nagpetisyon na mayroong karapatang maaaring igiit at ipatupad sa ilalim ng Saligang-Batas. Dapat mayroong tunay at makabuluhang kontrobersiya, may tiyak at kongkretong mga isyu na sangkot ang ugnayang legal ng mga partido, at maaaring pagpasyahan ng hukuman upang magbigay ng tiyak na lunas.)[20](Mga sanggunian ay hindi na inilahad)

Alinsunod dito, ang Hukuman ay walang kapangyarihan o kagustuhan na lutasin ang mga isyungmooto walang saysay, mga abstraktong proposisyon, o mga teoretikal na pananaw na walang praktikal na epekto sa mga karapatan at interes ng mga partido. Kapag ang isang kaso ay nagingmooto walang saysay, nawawala ang aktuwal at tunay na alitang maaaring resolbahin sa pamamagitan ng paghatol ng hukuman, at nawawalan ng saysay ang interbensiyong hudisyal.[21]Ang isang kaso ay tinuturing namooto walang saysay kapag ang mga sumunod na pangyayari ay labis nang binago ang aktuwal na kalagayan o legal na sitwasyon kaya't wala nang magiging saysay ang anumang paghatol dito.[22]Sa mga ganitong pagkakataon, wala nang nalalabing isyu na dapat resolbahin ang Hukuman sapagkat napawi na anglis motao ang rason ng paghain ng kaso.

Gayunman, kinikilala sa hurisprudensiya ang ilang eksepsiyon kung kailan maaaring magpatuloy ang pagtalakay ng Hukuman kahit ang kaso aymooto wala nang saysay: (1) kung may malubhang paglabag sa Saligang Batas; (2) kung ang pambihirang katangian ng sitwasyon at nakatataas na pampublikong interes ay humihingi ng paglutas; (3) kung ang isyung konstitusyonal na inihaharap ay nangangailangan ng pagbalangkas ng mga prinsipyong gagabay sa hukuman, sa hanay ng mga abogado, at publiko; at (4) kung ang kaso ay maaarmg maulit subalit nakaiiwas sa pagsusun ng hukuman.[23]

Ang mga eksepsiyong ito, gaya ng nakasaad saOsmeña III v. Social Security System of the Philippines,[24]ay nagbibigay ng balangkas para sa pagpapasya ng Hukuman kung itutuloy ang paglilitis sa kabila ngmootnesso kawalan ng saysay ng kontrobersiya:

A case or issue is considered moot and academic when it ceases to present a justiciable controversy by virtue of supervening events, so that an adjudication of the case or a declaration on the issue would be of no practical value or use. In such instance, there is no actual substantial relief which a petitioner would be entitled to, and which would be negated by the dismissal of the petition. Courts generally decline jurisdiction over such case or dismiss it on the ground of mootness –save when, among others, a compelling constitutional issue raised requires the formulation of controlling principles to guide the bench, the bar and the public; or when the case is capable of repetition yet evading judicial review.[25](Emphasis supplied; citations omitted)

(Ang isang kaso o isyu ay itinuturing namootatacademickapag ito ay tumigil nang magharap ng isang kontrobersiyang maaaring litisin sa hukuman dahil sa mga sumunod na pangyayari, kaya't ang paghatol sa kaso o pagpapahayag ukol sa isyu ay wala nang magiging praktikal na pakinabang o silbi. Sa ganitong pagkakataon, wala nang aktuwal at makabuluhang kahilingan na karapat-dapat na makamtan ng mga nagpetisyon ang maaaring igawad, at ang pagsantabi sa petisyon ay hindi na makaaapekto rito. Karaniwan, ang mga hukuman ay hindi nagpapasya sa ganitong mga kaso o kaya'y isinasantabi ito dahil sa pagigingmooto kawalan ng saysay —maliban na lamang kung, bukod sa iba pa, may mahalagang isyung konstitusyonal na kinakailangang resolbahin upang makapagbalangkas ng mga prinsipyo na gagabay sa hukuman, sa hanay ng mga abogado, at sa publiko; o kung ang kaso ay maaaring maulit subalit nakaiiwas sa pagsusuri ng hukuman.)[26](Diin idinagdag; mga sanggunian ay hindi na inilahad)

Gayundin, saProf. David v. Pres. Macapagal-Arroyo,[27]pinagtibay ng Hukuman ang mga eksepsiyon sa doktrina ngmootnessna kinabibilangan ng (a) malubhang paglabag sa Saligang Batas, at (b) kung saan ang pambihirang katangian ng sitwasyon, samahan pa ng mahalagang pampublikong interes, ay nangangailangan ng resolusyon.[28]

Sa kasalukuyang kaso, sa pamamagitan ng Resolusyon na may petsang Disyembre 21, 2016, pinaboran ng CTA angMotion for Reconsiderationnina Velarde at mga kasama at isinantabi ang kasong pag-iwas sa pagbabayad ng buwis laban sa kanila. Ang nasabing desisyon ay naging pinal at kaagad na maipapatupad na sa pamamagitan ng Resolusyon ng CTA noong Oktubre 5, 2017, at sinundan ngEntry of Judgment.[29]Dahil dito, tuluyan nang nawalan ng saysay ang reklamong kriminal laban kina Velarde at mga kasama, at nawala ang anumang aktuwal at tunay na kontrobersiyang maaanng resolbahin sa pamamagitan ng paghatol ng hukuman.

Sa kabila ng pinal na pagsantabi sa kaso, isinusulong nina Velarde at mga kasama na resolbahin pa rin ng Kataas-taasang Hukuman ang mga isyung nakalatag sa Petisyon dahil sa kakaibang katangian ng mga isyung inilahad at ang kanilang mga pangunahing karapatan sa ilalim ng Saligang Batas. Ipinapalagay nila na ang Petisyon ay magbibigay ng pagkakataon sa Hukuman upang higit pang liwanagin ang mga konstitusyonal na karapatan ng isang nasasakdal sa kasong kriminal, partikular ang karapatan sa angkop na proseso ng batas odue processat ang karapatan sa mabilis, walang kinikilingan, at pampublikong paglilitis.[30]

Gayunman, nabigo ang argumentong ito na matugunan ang mahigpit na pamantayan upang maging eksepsiyon sa doktrina ng mootness.

Walang malubhang paglabag sa
Saligang Batas

Bagama't iginigiit nina Velarde at mga kasama ang kanilang mga karapatang konstitusyonal sa kanilang mosyon, hindi sapat ang simpleng pagbanggit ng mga karapatang ito upang bigyang-katwiran ang pagsuri ng hukuman sa isang kasongmooto walang saysay. Kinakailangan ang patunay ng malubhang paglabag sa Saligang Batas na nangangailangan ng agarang pamamagitan ng Hukuman.

Sa kasalukuyang kaso, ang mga umano'y paglabag sa karapatan sa angkop na proseso ng batas odue processat sa karapatang magkaroon ng mabilis na paglilitis ay nagingmooto nawalan na ng saysay bunsod ng pinal at hindi na mababawing pagwawakas ng mga kasong kriminal laban kina Velarde at mga kasama. Isinara ng pagsantabi sa kaso ang anumang sinasabing paglabag sa kanilang mga karapatan bilang mga akusado, sapagkat wala nang nananatiling aktuwal at tunay na kontrobersiyang maaarmg resolbahin sa pamamagitan ng paghatol ng hukuman.

Matibay na itinataguyod ng hurisprudensiya na ang pagsusuri ng Hukuman ay hindi isang akademikong ehersisyo ng teoretikal na diskurso, kundi isang mekanismo upang resolbahin ang mga aktuwal at kongkretong pagtatalo na may kinalaman sa mga karapatang maaaring igiit at ipatupad alinsunod sa batas. Tulad ng binigyang diin saFalcis v. Civil Registrar General:[31]

This Court's constitutional mandate does not include the duty to answer all of life's questions. No question, no matter how interesting or compelling, can be answered by this Court if it cannot be shown that there is an "actual and an antagonistic assertion of rights by one party against the other in a controversy wherein judicial intervention is unavoidable."

This Court does not issue advisory opinions.We do not act to satisfy academic questions or dabble in thought experiments. We do not decide hypothetical, feigned, or abstract disputes, or those collusively arranged by parties without real adverse interests. If this Court were to do otherwise and jump headlong into ruling on every matter brought before us, we may close off avenues for opportune, future litigation. We may forestall proper adjudication for when there are actual, concrete, adversarial positions, rather than mere conjectural posturing:

Even the expanded jurisdiction of this Court under Article VIII, Section 1 does not provide license to provide advisory opinions. An advisory opinion is one where the factual setting is conjectural or hypothetical. In such cases, the conflict will not have sufficient concreteness or adversariness so as to constrain the discretion of this Court. After all, legal arguments from concretely lived facts are chosen narrowly by the parties. Those who bring theoretical cases will have no such limits. They can argue up to the level of absurdity. They will bind the future parties who may have more motives to choose specific legal arguments. In other words, for there to be a real conflict between the parties, there must exist actual facts from which courts can properly determine whether there has been a breach of constitutional text.

As this Court makes "final and binding construction[s] of law[,]" our opinions cannot be mere counsel for unreal conflicts conjured by enterprising minds. Judicial decisions, as part of the legal system, bind actual persons, places, and things. Rulings based on hypothetical situations weaken the immense power of judicial review.[32](Emphasis supplied; citations omitted)

(Ang konstitusyonal na mandato ng Hukuman na ito ay hindi kinabibilangan ng tungkuling sagutin ang lahat ng tanong sa buhay. Walang tanong, gaano man ito kaakit-akit o kahimok-himok, ang maaaring sagutin ng Hukuman kung hindi maipakikita na mayroong "aktuwal at salungatang paggiit ng mga karapatan ng isang panig laban sa isa pa sa isang kontrobersiya kung saan hindi maiiwasan na pumagitan ang hukuman."

Ang Hukuman na ito ay hindi nagbibigay ng mga payong opinyon.Hindi kami kumikilos upang sagutin ang mga akademikong tanong o makilahok sa mga palaisipang eksperimento. Hindi kami nagpapasya sa mga haka-haka, gawa-gawa, o abstraktong alitan, o sa mga alitang sinadya at pinagkasunduan ng mga panig na walang tunay na salungat na mga interes. Kapag ang Hukuman ay kumilos nang taliwas dito at basta na lamang nagbigay ng pasya sa bawat usapin na ihaharap sa amin, maaari naming maisara ang mga daan para sa nararapat at napapanahong paglilitis sa hinaharap. Maaari naming hadlangan ang wastong paghatol sa mga pagkakataong mayroon nang aktuwal, tiyak, at magkakasalungat na posisyon, sa halip na mga haka-haka lamang:

Maging ang pinalawak na hurisdiksiyon ng Hukumang ito sa ilalim ng Artikulo VIII, Seksyon 1 ng Saligang Batas ay hindi nagbibigay ng pahintulot upang maglabas ng mga payong opinyon. Ang payong opinyon ay isang opinyon na nakabatay sa haka-haka o palaisipang sitwasyon. Sa ganitong mga kaso, ang tunggalian ay kulang sa aktuwalidad o salungatan na pipigil sa diskresyon ng Hukuman. Sapagkat ang mga legal na argumento na nagmumula sa konkretong karanasan ay masinsing pinipili ng mga tunay na partido. Samantalang yaong mga nagdadala ng pawang teoritikal na kaso ay walang ganitong mga limitasyon. Maaari nilang itulak ang mga argumento hanggang sa sukdulang punto ng kawalang-katwiran. Maaari rin nilang malimitahan ang mga hinaharap na partido na maaaring may higit na motibo upang pumili ng tiyak na mga legal na argumento. Sa madaling salita, upang magkaroon ng tunay na salungatan sa pagitan ng mga panig, kailangang may aktuwal na mga pangyayari na magbibigay-daan sa hukuman upang wastong matukoy kung nagkaroon nga ng paglabag sa Saligang Batas.

Yamang ang Hukuman na ito ay gumagawa ng "pinal at may bisa na pagpapakahulugan ng batas," ang aming mga opinyon ay hindi maaaring maging payo lamang para sa mga hindi tunay na mga tunggalian na ginawa ng mapanlikhang isipan. Ang mga desisyon ng hukuman, bilang bahagi ng sistemang legal, ay nagbubuklod sa mga tunay na tao, lugar, at bagay. Ang mga pagpapasya batay lamang sa haka-haka ay nagpapahina sa napakalaking kapangyarihan ng pagsusuri ng hukuman.)[33](Diin idinagdag; mga sanggunian ay hindi na inilahad)

Sa kawalan ng patuloy na pinsala o umiiral na kontrobersiyang nakaaapekto sa mga karapatan ng mga partido, nabigong maglahad ang kasalukuyang Petisyon ng isyu na maaring litisin, kaya't isinasara nito ang anumang karagdagang pamamagitan ng Hukuman.

Walang katangi-tanging pangyayari o napakahalagang pampublikong interes

Hindi rin mapanghahawakan ang paggiit nina Velarde at mga kasama na ang kasong ito ay nagtatanghal ng isang bagong isyu na may napakahalagang interes ng publiko na nangangailangan ng pagresolba. Bagaman ang mga katanungangprimae impressionisay, sa ilang pambihirang pagkakataon, maaaring magbigay-daan sa pagtatangi mula sa doktrina ngmootness, kinakailangan na ang mga naturang katanungan ay may implikasyon na hihigit pa sa pangunahing interes ng mga naglilitis at sumasaklaw sa mas malawak na mga prinsipyo ng batas na may kahalagahan sa publiko. Dito, ang layunin lamang nina Velarde at mga kasama ay makakuha ng resolusyon ukol sa kanilang pansariling karaingan, na nawalan na ng saysay bunsod ng pinal na pagbasura sa mga kasong isinampa laban sa kanila.

Walang natatanging pangyayari na umiiral upang iangat ang kasong ito bilang isang usapin na may malawak na pampublikong interes. Ang mga isyung iginiit—ang hudisyal na pagtukoy sa pagkakaroon ngprobable cause, ang umano'y paglabag sa angkop na proseso ng batas odue process, at ang karapatan ng akusado sa isang mabilis na paglilitis—ay hindi na bago sa kasaysayan ng ating batas upang mangailangan ng pagbuo ng bagong mga doktrinang konstitusyonal. Matagal nang napatibay sa ating mga naunang desisyon ang mga prinsipyong ito, at nabigo sina Velarde at mga kasama na maglahad ng anumang nakahihikayat na katwiran upang itulak ang Hukuman na lumihis mula sa umiiral na mga kautusan o lumikha ng isang bagong doktrina.

Dapat bigyang-pansin na sina Velarde at mga kasama ay kusang-loob at may kaalaman na sumailalim sa pagbasa ng sakdal. Kung totoong naniniwala sila sa kawalang basehan ng reklamo, dapat ay tinutulan nila ang pagbasa ng kanilang sakdal sa pagkakataong iyon.

Walang isyung kayang maulit na makaiiwas sa pagsusuri

Sa huli, nabigong patunayan nina Velarde at mga kasama ang makitid na pagbubukod-tangi upang pahintulutan ang pagsusuri ng Hukuman sa mga kasongmooto walang saysay sa batayan na ang isyu ay may kakayahang maulit subalit nakakaiwas sa pagsusuri. Upang umiral ang pagbubukod-tanging ito, kailangang mapatunayan ang dalawang elemento: (1) ang kinukwestiyong hakbang ay mabilisan kung kaya't nagigingmooto walang saysay bago pa man ito maisailalim sa ganap na pagsusuri ng hukuman; at (2) may makatuwirang inaasahan na ang parehong nagrereklamong partido ay muling masasailalim sa kaparehong hakbang sa hinaharap.[34]

Wala sa kasong ito ang alinman sa dalawang elementong nabanggit. Ang pagbasura ng kasong kriminal ay isang tiyak at pinal na hakbang na humahadlang sa anumang posibilidad ng pag-uulit. Dahil ang kasong ito ay kriminal, ang pagsasantabi nito ay hindi nagpapahintulot na ito ay maulit sa hinaharap dahil nagkaroon na ngjeopardy. Bukod pa rito, nabigo sina Velarde at mga kasama na patunayan ang anumang makatuwirang posibilidad na sila ay muling malalagay sa kaparehong kalagayang prosidyural. Ang kawalan ng patuloy na kontrobersiya ay nag-aalis sa kasong ito mula sa saklaw ng nasabing pagbubukod-tangi.

Konklusyon

Dahil sa sumunod na pangyayaring tumapos sa anumang aktuwal at tunay na kontrobersiyang maaaring resolbahin sa pamamagitan ng paghatol ng hukuman, nagingmooto nawalan na ng saysay ang kasalukuyang Petisyon para saCertiorari. Ang anumang paghatol sa mga hindi pangunahing isyu na inihain dito ay walang kabuluhan sapagkat wala nang mahalagang tulong na maipagkakaloob kina Velarde at mga kasama na hindi naibigay sa pamamagitan ng pinal na pagbasura ng kasong pag-iwas sa pagbabayad ng buwis. Sa kawalan ng anumang kapani-paniwalang pangyayaring pumapaloob sa mga kinikilalang eksepsiyon sa doktrina ngmootness, wala nang makatarungang dahilan para ipagpatuloy pang Hukuman ang pagresolba sa nasabing Petisyon.

ALINSUNOD DITO,ang Petisyon para saCertiorariayISINASANTABIdahil sa pagigingmootandacademic.

ITO AY IPINAG-UTOS.

Caguioa (Tagapangulo), Inting, Gaerlan, atDimaampao, JJ., sumasang-ayon.


[1]Rollo, pp. 12-75.

[2]Id.sa 125-156.

[3]Id.sa 13.

[4]Id.sa 157-158.

[5]Id.sa 157.

[6]Id.

[7]Id.sa 657-658.

[8]Id.sa 16.

[9]Id.sa 268-269.

[10]Id.sa 269.

[11]Id.sa 12-13.

[12]Id.sa 70.

[13]Id.sa 1044.

[14]Id.sa 1052-1063. Ang Resolusyon noong Disyembre 21, 2016 sa CTACriminal CaseBlg. 0-325 ay isinulat ni Kasangguning Mahistrado Esperanza R. Fabon-Victorino at sinang-ayunan nila Kasangguning Mahistrado Lovell R. Bautista at Ma. Belen M. Ringpis-Liban ng Ikatlong Dibisyon, Hukuman ng Apelasyon sa Buwis, Lungsod Quezon.

[15]Id.sa 1044-1045.

[16]Id.sa 1046.

[17]Evangelista v. Philippine Amusement and Gaming Corporation, 941 Phil. 342, 364-365 (2023) [Ayon kay J. J. Lopez,En Banc].

[18]850 Phil. 1168 (2019) [Ayon kay J. Leonen,En Banc].

[19]Id.sa 1188.

[20]Id.

[21]Pormento v. Estrada, 643 Phil. 735, 738 (2010) [Ayon kay J. Corona,En Banc].

[22]Id.sa 739.

[23]Belgica v. Ochoa, Jr., 721 Phil. 416, 522 (2013) [Ayon kay J. Perlas-Bernabe,En Banc].

[24]559 Phil. 723 (2007) [Ayon kay J. Garcia,En Banc].

[25]Id.sa 735.

[26]Id.

[27]522 Phil. 705 (2006) [Ayon kay J. Sandoval-Gutierrez,En Banc].

[28]Id.sa 754.

[29]Rollo, pp. 1044-1045.

[30]Id.sa 1046.

[31]861 Phil. 388 (2019) [Ayon kay J. Leonen,En Banc].

[32]Id.sa 438-439.

[33]Id.

[34]International Service for the Acquisition of Agri-Biotech Applications, Inc. v. Greenpeace Southeast Asia, 791 Phil. 243, 273 (2016) [Ayon kay J. Perlas-Bernabe,En Banc].